
Isinulat ko ang artikulong ito sa dalawang bersiyon (sundan ang link na ito para mabasa ang artikulo sa wikang Ingles) upang ipahiwatig, sa aking opinion kung bakit mahalaga para sa bawat mamamayan na mahalin ang kanyang wika at kung paano ito nakakatulong sa pag unlad ng bayan. Huwag kayong mag alala, hindi ito lektyur ngunit isang repleksiyon lamang kung ano ang pagtingin ng isang katutubong mananalita sa lengwahe at kung paanong mas pinapaboran nila ang wikang banyaga kumpara sa kanilang wikang pambansa.
Aminin man natin o hindi, talagang minsan ay mas pinapaboran natin ang wika ng ibang bansa. Sabi ng isa kong kaibigan, kasi daw, kapag ang isang tao ay nasanay na sa kanyang wika, hindi na niya iisipin pa ang teknikalidad – kung tama ba ang paggamit niya ng mga salita, kung mali ba ang pagbaybay niya ng mga letra. Ang importante ay maiparating niya ang kaniyang mensahe sa kanyang kausap. Hindi lang naman tayo ang gumagawa nito, pati ibang mga katutubong mananalita sa kani-kanilang mga bansa ay ganito rin marahil ang pagtingin sa kanilang lengwahe. Pero bakit kapag tayo ay nagsasalita ng Ingles, halimbawa, ay takot na takot tayong magkamali sa grammar. Ayaw nating mapagtawanan na mali ang ating paggamit ng kanilang wika samantalang kapag Pilipino ang ating gamit at mayroong mali sa ating sinabi ay parang balewala lamang?
Ilan ba sa atin ang tunay na nagmamahal sa ating wika, sapat para maging dalubhasa sa paggamit nito sa pagsulat, sa pagsasalita? Sino ba talaga sa atin ang makapagsasabing mas mataas ang tingin natin sa ating sariling wika kaysa sa mga “international” na lengwahe?
Mayroon akong napagtanto kanina habang isinasalin ko sa wikang Pilipino ang ilang bahagi ng website ng aming pamantasan bilang paggunita sa Buwan ng Wika at Buwan ng Nasyonalismo. Napansin ko na pinawisan na ako ng malapot at inabot ng siyam siyam bago ko naisalin ang iilang panimula sa aanim na artikulo na nakalathala sa aming pahina samantalang nang isinulat ko iyon sa Ingles ay ilang minuto lamang ang nawala sa akin. At nang ipinaayos ko ito sa ilang dalubhasa sa Pilipino, ay mayroon pang mga maling paggamit. Ito ay wikang Pilipino, wikang araw araw ko ginagamit sa pakikipagtalastasan at pakikipag ugnayan sa iba’t ibang opisina. Nakakahiya hindi ba? Pilipino akong maituturing pero palpak ang gamit ko sa aking wikang kinalakhan.
Natakot ako bigla, dahil napagtanto ko na halos hindi ko na maalala ang mga pinag aralan ko noong ako ay nasa elementarya pa lamang tungkol sa balarila. Siyempre, mas lalo na ang mga inaral ko ng hayskul. Natakot ako, dahil kung ako ay hindi ko maalala, paano pa ang mga sumunod na henerasyon, na humaling na humaling sa pagte text at pagfe facebook sa wikang Ingles?
Ang nakaka-alarma pang lalo ay kapag nakikita nila sa telebisyon ang ilang mga artista or manganganta na nabigyan lang ng ilang pagkakataon na magtanghal sa ibang bansa ay halos hindi na marunong managalog pagdating sa Pilipinas — na kung sumagot sa mga tanong na Tagalog sa interbyu ay lengwaheng banyaga pa rin ang ginagamit — na kung mapagsalita man ng kakapirasong Tagalog ay halos pilipit na ang dila sa pagka-slang. Ito ay talagang nakakalungkot. Napakahirap igalang ang mga taong ganito na akala mo ay sino na at halos iwaksi na ang pagka Pilipino dahil napuri lang sa isa o dalawang kanta.
Kaya nga’t napakataas naman ng pagtingin ko sa mga alagad ng sining at atleta na gumawa ng pangalan sa ibang bansa, at napawalay ng matagal pero niyayakap pa rin ang kanilang pagka-Pilipino. Nagsasalita ng sariling wika at ipinagmamalaki ang kanilang pinaggalingan tulad ni Apl.d.ap ng Black Eyed Peas, mga atletang tulad nila Mark Munoz at Brandon Vera, mang awit na si Monique Wilson at Tony award winner na si Bb. Lea Salonga. Naniniwala ako na kabahagi ng kanilang tagumpay ay ang kanilang pagtatangi sa kanilang sariling kultura at pinagmulan.
Dapat nating mahalin ang ating wika. Huwag lang natin itong basta gamitin. Gamitin natin ito ng tama. Kahit ano man ang ating wika – Ingles, Pilipino, Intsik, Indonesian, Malay, Aprikano o isang lengwahe na 10 tao lang ang nakaaalam. Dapat nating ipagmalaki ang ating wika dahil ito ay bahagi ng ating kultura. Kung hindi natin ito gagamitin, kung hindi tayo masusulat ng mga libro gamit ito, kung hindi natin ito pahahalagahan, ito ay unti unting mamamatay. At kapag nangyari ito, kaakibat nito ang pagkalugmok n gating bayan dahil ang wika ay ang depinisyon ng ating pagkakakilanlan bilang isang bayan, at kung wala nito, sino tayo sa mundo?